‘Baka maubos kuwarta’ Mommy Dionisia Pacquiao nag-alala sa pagtakbo ng anak na si Manny!

Aminado si Mommy Dionisia na nag-aalala siya para sa anak na si Manny Pacquiao na ngayon ay tumatakbo sa pagka-presidente.

Nagsalita si Mommy D sa proclamation rally ng anak sa Oval Plaza Grandstand ng General Santos nitong February 8.

Aniya, noong una raw sumabak sa politika ang anak, nag-alala siya nang husto. Dahil baka raw maubos ang kuwarto o pera nito, na napanalunan nito sa boxing at iba pang nabuong negosyo.

“Noong tumatakbo pa siya for the first time dito sa General Santos. Umiyak ako kasi ilang sako na ng pera ang nakita kong nawala,” pahayag ni Mommy D.

“Sabi pa ng mga amiga ko, ‘Mommy, ang anak mo bigay nang bigay ng pera, baka maubos ang kuwarta!’”

“Tapos ito presidente na, sabi ko ‘Manny, iba na talaga to kasi buong bansa na, mas malaki pa sa bariles [tuna] ng GenSan!”

Wala namang nagawa si Sen. Manny kundi ang matawa na lang sa mga sinabi ng kanyang ina. Maski ang mga kasama nito sa stage at ang mga taga-suporta na present sa kanyang proclamation rally labis na naaliw sa ina ng Pambansang Kamao.

Sa kabila ng pagbibiro ni Mommy Dionisia ay bakas naman na buo ang suporta nito sa desisyon ng kanyang anak.

Aniya pa, handa siyang tulungan at suportahan ang anak sa kanyang laban para sa pinakamataas na posisyon sa buong bansa.