Unti unti ng nabibigyan ng sagot ang ilang katanungan kung bakit dinukot ang isang lalaki sa isang gasolinahan sa Batangas nitong Agosto 16.
Matatandaan na nag-viral sa social media ang lalaki dahil nakunan pa sa CCTV footage ang aktwal na pagkuha sa kanya ng isang grupo gamit ang dalawang sasakyan.
Maririnig din ang pagsigaw ng biktima ng ‘tulong’ ngunit walang nangahas na tumulong sa kanya.
Sa press conference na ginawa ni Taal Mayor Pong Mercado at Police Major Dante Majadas nitong Agosto 18 ay nalaman nila na ang biktima na si Eugene Beltran Del Rosario ay miyembro diumano ng ‘Bukas Kotse Gang’.
“Ito pong asawa at ina (ni Del Rosario) ay nagbigay ng pahayag kung ano ba ang aktibidades nung tao na ito at sinabi nila na isa itong miyembro ng ‘Bukas Kotse Gang’ na nambibiktima dito sa ating probinsya at sa ating mga karatig bayan,” sabi ni Majadas.
Kilala ang Bukas Kotse Gang sa modus na pagbubukas ng kotse ng kanilang mga biktima na naipit sa traffic.
Isa sa mga pinakakilalang biktima ng nasabing gang ay si Gerald Anderson na halos nawalan ng mahigit P1-M matapos mapasok ng bukas kotse ang kanyang sasakyan.
“Kakauwi ko lang ng Maynila noong day na ‘yon eh. Nasa harapan ng establishment ko, nasa harap siya mismo ng pinto. So talagang no’ng nakita ko ‘yung mga pumasok, talagang ang lalakas ng loob niyo,” ani Gerald.
Hindi naman naitago ng pamilya Del Rosario ang pagdadalamhati sa nangyari sa kanilang miyembro ng pamilya na nakitang wala ng buhay sa Quezon Province ilang araw matapos siyang mawala.